Ang tulang ito ay sarili kong gawa at komposisyon.
Inihahandog ko ito sa mga taong naghahanap ng mga tula tungkol sa pag ibig lalong lalo na yung mga patuloy na umiibig at nangungulila sa mga dati nilang mahal na lumisan na at iniwan na sila ng tuluyan.
Sana ay magustuhan niyo itong tula tungkol sa pag ibig ngayong kapaskuhan…
——————–
Pasko na naman, ako ngayo’y napapaawit,
Parang kelan lang magkasama tayo at mahigpit ang kapit.
Ngunit hindi ko alam kung bakit sa tuwing ang pasko’y sumasapit,
Ang puso kong ito’y nalulungkot at nagngingitngit.
Dahil ba wala na ang taong mahalaga sa buhay ko,
Na dati ay nangakong sa lahat ng pagsubok hindi susuko?
Pero bakit nawala lahat ng ipinangako,
At iniwang luhaan at nagdurusa itong puso?
Nag-uumpisa nang lumamig ang simoy ng hangin,
Na para bang nagpapahiwatig ng matinding damdamin.
Kung pwede lang ibalik ang mga araw na pinagsaluhan natin,
Wala na akong mahihiling pa sa aking panalangin.
Masakit isipin na sa tuwing pasko na lang naaalala kita,
Kung tutuusin naman ay matagal ka ng lumisan at nawala,
Ngunit hindi ko talaga maiwasan ang isipin ka,
Kung nasan ka na nga ba at kung masaya ka ba.
Saan ka man ngayon naroroon,
Gusto ko lang malaman mo na ikaw pa rin mula noon,
Ang laman nitong puso kong lulong
Sa alaala at pagmamahal na dati mong itinuon.
Magbalik ka na parang awa mo na,
Hindi ko na mapigilan ang aking nadarama.
Araw gabi na lang akong lumuluha,
Hanggang kailan ba ako magdurusa?
Hindi mo ba namimis ang mga yakap at halik,
Na dati ay pinagsaluhan natin at labis tayo kung manabik.
Gustuhin ko man na ang kahapon ay muli nating ibalik,
Pagod na akong umasa kaya iiyak na lang at hindi na iimik.
Ang tangi kong hiling sa Maykapal,
Na sana ay maligaya ka at namumuhay nang marangal.
Masakit mang isipin ngunit sa puso ko’y bukal,
Tatanggapin ko kahit may iba ka ng mahal.
——————–
Masarap magmahal, ngunit napakasakit kapag iniwan ka ng iyong minamahal.
Kagaya mo, naranasan ko din umibig at mabigo.
Pero naniniwala ako na lahat ng bagay at pangyayari sa buhay pag ibig ay may dahilan. Masakit mang tanggapin sa una, pero darating ang tamang panahon na maghihilom din ang mga sugat na idinulot nito at matututo din tayong lumaban at tumayong muli.
At kung handa ka nang umibig muli, ay darating na lang ang isang tao nang di natin inaasahan – sa tamang lugar at sa tamang panahon.
Sana sa pamamagitan ng tulang ito ay napukaw ko ang iyong damdamin hindi upang maalala mo ang mga masasakit na sandali, ngunit para maisip mo na hindi mo kailangang manatili at mamuhay sa nagdaan. Bumangon ka at ipakita mo sa lahat na ikaw ay karapat dapat ding mahalin.
Hangad ko ang kaligayahan at tagumpay sa iyong buhay pag ibig.
Speak Your Mind